WASHINGTON — Nanawagan si Chinese President Xi Jinping na palawakin ang kooperasyon ng China at United States, kasabay ng pagsabing dapat maging “partners rather than rivals” ang dalawang bansa habang sinisimulan niya ang state visit sa Washington.
Sa written remarks na inilabas ng Chinese state news agency Xinhua matapos siyang dumating sa Joint Base Andrews nitong Miyerkules, Setyembre 23, sinabi ni Xi na malalim na ang pagkakaugnay ng interes ng dalawang bansa.
“Our two countries should be partners rather than rivals,” ani Xi, habang binibigyang-diin ang pangangailangang magkaroon ng matatag na relasyon na nakasentro sa kooperasyon, kontroladong kompetisyon at maayos na pamamahala sa kanilang mga pagkakaiba.
Sinabi rin ni Xi na inaasahan niyang magkaroon sila ni US President Donald Trump ng malalim na pag-uusap hinggil sa bilateral relations at mahahalagang pandaigdigang usapin.
Dumating si Xi sa Washington kasama ang kanyang asawang si Peng Liyuan at sinalubong nina Trump at First Lady Melania Trump sa Joint Base Andrews.
Nakatakdang isagawa ang official state visit sa White House nitong Huwebes, Setyembre 24, bahagi ng pagbisita ni Xi sa US mula Setyembre 23 hanggang 25.
Kabilang sa mga inaasahang pag-uusapan ng dalawang lider ang kalakalan, teknolohiya at iba pang usaping nakaaapekto sa relasyon ng dalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo. Dave Medina