MANILA, Philippines — Nakiisa si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa “Fostering the Future Together,” isang global coalition na pinangungunahan ni United States First Lady Melania Trump upang palawakin ang access ng mga bata sa teknolohiya at edukasyon habang pinapalakas ang kanilang proteksyon laban sa online risks.
Inanunsyo ni Araneta-Marcos ang kanyang partisipasyon matapos dumalo sa luncheon kasama si Trump at iba pang First Spouses sa St. Regis Hotel sa New York nitong Martes, Setyembre 22.
“Happy to join First Lady Melania Trump and fellow First Spouses for the ‘Fostering the Future Together’ luncheon,” pahayag ng Unang Ginang sa social media.
Aniya, layunin ng koalisyon na mabigyan ang mga kabataan ng pagkakataong “learn, grow and thrive” habang nananatiling ligtas sa lumalawak na digital environment.
“Here’s to building a safer, brighter and more hopeful future for all children — especially our young Filipino youth who have fallen victims to all these creepy websites,” dagdag niya.
Inilunsad ni Trump ang Fostering the Future Together sa 80th United Nations General Assembly noong Setyembre 2025. Nakatuon ang inisyatiba sa artificial intelligence sa edukasyon, education technology, online safety at digital literacy, gayundin sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor.
Ayon sa White House, lumawak na sa 57 bansa ang koalisyon. Inanunsyo rin na si Araneta-Marcos ang magho-host ng isang Fostering the Future Together event sa nalalapit na ASEAN conference sa Manila. Kris Jose