Home NATIONWIDE Yamsuan itinulak national e-waste management system

Yamsuan itinulak national e-waste management system

2
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang pagpasa ng panukalang magtatatag ng komprehensibong sistema para sa pangongolekta, recycling at tamang disposal ng electronic waste o e-waste sa bansa.

Sa ilalim ng House Bill 11462 o proposed National E-Waste Management Act, layong magtakda ng malinaw na pamantayan sa pangangasiwa ng mga itinapong computer, cellphone, appliances, spare parts, powerbanks, electronic gadgets at iba pang electronic products.

Ayon kay Yamsuan, kailangang maagapan ang lumalaking problema sa e-waste dahil maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan at kapaligiran kapag hindi maayos na nakokolekta at itinatapon.

Maaaring maglabas ang e-waste ng toxic substances gaya ng lead, mercury at cadmium na posibleng makontamina sa lupa, tubig at hangin kapag hindi maayos ang disposal.

Sa panukala, ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang magiging lead agency sa pagpapatupad ng mga patakaran sa segregation, collection, transport, storage, reuse, recycling at disposal ng e-waste.

Palalawakin din nito ang Extended Producer Responsibility (EPR) upang obligahin ang manufacturers, brand owners at importers na magkaroon o lumahok sa sistema para sa recovery, recycling o ligtas na disposal ng electronic products na inilalabas nila sa Philippine market.

Kasama rin sa HB 11462 ang pagsasanay at accreditation sa junk shop operators at informal recyclers upang maisama sila sa formal collection at recycling system at mabigyan ng angkop na safety equipment.

Aatasan naman ang local government units na isama ang e-waste collection sa kanilang solid waste management plans at magtatag ng designated collection points o materials recovery facilities.

May nakasaad ding fiscal incentives para sa mga kwalipikadong kumpanya at accredited e-waste treatment, storage and disposal facilities.

Kabilang sa ipagbabawal ang indiscriminate disposal at open burning ng e-waste, paglabag sa EPR obligations at operasyon ng hindi accredited na treatment, storage and disposal facility.

Nakatakda rin sa panukala ang multang mula P10,000 hanggang P2 milyon, gayundin ang iba pang parusa depende sa bigat ng paglabag.

Batay sa Global E-waste Monitor 2024, umabot sa 62 milyong tonelada ang e-waste na nalikha sa buong mundo noong 2022, ngunit 22.3 porsiyento lamang ang dokumentadong pormal na nakolekta at na-recycle.

RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here