Home OPINION YORME MAG-INGAT SA MGA INILAGAY SA PWESTO

YORME MAG-INGAT SA MGA INILAGAY SA PWESTO

212
0

NAKABALIK na sa Maynila si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kaya naman unti-unti na ring nililinis ang mga lugar na nasalanta noong panahon na wala siya sa lungsod.

At ngayon, unti-unti na ring bumabalik ang mga alipores o mga amuyong na sumama noong kay dating Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan. Iyong mga sumipsip sa Ate Honey ni Yorme Kois na siniraan ang huli sa awayan ng dating magkapartido at magkasama sa laban kung paano isasaayos ang Maynila.

Ang mga ito (alipores o amuyong) ay nakiramdam na mabuti sa takbo ng pulitika sa Maynila. Nang makitang mas malakas si Moreno, mabilis pa sa kidlat na nagbago ng sinusuportahan ang mga ito. Kaagad na nakipag-ugnayan sa dating alkalde kaya naman noong kampanya ay pawang nasa side ni Yorme.

Syempre, dahil hindi sila pwedeng lumutang, nasa kampanya ang mga ito na nakatakip ang mga mukha. Bawal din naman kasi na sila ay lumantad. Bawal sa mga miyembro ng Philippine National Police ang makisawsaw o halubilo sa pulitika. Ang pulis, commissioned officer o non -commissioned officer dapat ay apolitical.

Siyempre, ang mga sumuporta kay Yorme ay nakakuha na ng pwesto. Pero tama naman iyon. Kanino ba ipagkakatiwala ng alkalde ang kanyang buhay at kapayapaan at katahimikan ng mga komunidad ng kanyang mamamayan, siyempre sa mga kakampi.

Ang masaklap lang, ang mga pulis na ito na nakapwesto na ay ginagamit si Mayor Moreno para labanan ang mga personal nilang kaaway.

Gamit na gamit ang pangalan ni Yorme sa kanilang mga gustong mangyari. Sana lang ay makarating kay Mayor Isko ang gawain ng mga pulis na ito na nailagay niya sa pwesto.

At sana, huwag gamitin ng mga ito ang pangalan ng nagbalik na alkalde upang maglagay ng iligal na negosyo sa mga hawak nilang lugar o komunidad.

Sabagay, may mga mata rin naman si Yorme na nakatutok sa mga ito. Kaya kapwa mag-ingat upang hindi malagay sa balag ng alanganin.

Mag-ingat si Mayor Isko na makaladkad ng mga ipinwesto niya ang kanyang pangalan sa iligal na gawain tulad ng pangongolekta sa mga vendor at paglalagay ng iligal na sugal. At mag-ingat din ang mga alipores na ito na mabuko sila ng alkalde sapagkat tiyak na sa kangkungan sila pupulutin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here