Home OPINION SENATE SUPER MAJORITY, EH ‘DI WOW!

SENATE SUPER MAJORITY, EH ‘DI WOW!

250
0

KALAT na sa social media ang nabubuong super majority sa pagbubukas ng 20th Congress ng Senado sa ilalim ng liderato ng kasalukuyang Senate President na si Sen. Chiz Escudero.

Nakapaloob dito ang ‘Duterte Bloc’ na binubuo nina Senators Robinhood Padilla, Ronald “Bato” Dela Rosa, Christopher Lawrence “Bong” Go, Imee Marcos, Rodante Marcoleta, at magkapatid na Mark at Camille Villar.

Nandito rin ang malalapit kay Chiz na sina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Alan Peter Cayetano at Raffy Tulfo.

Malamang na ang mga kapatid nina Jinggoy, Alan Peter at Raffy na sina Senators JV Ejercito, Pia Cayetano at Erwin Tulfo ay mahila na rin.

Datapwa’t ang hindi inasahan ng sambayanang Pilipino lalo ng kakampinks at dilawans camp ay ang pagsama sa majority ni Chiz nina Senators Bam Aquino at Kiko Pangilinan.

Ito ang dahilan kaya tinawag na ‘Super Majority’ ni Jinggoy ang kanilang grupo ngayong papasok na 20th Congress.

Samantala, ang ‘veterans bloc’ o mga beteranong senador na sina Senators Loren Legarda, Juan Miguel “Migz” Zubiri, Panfilo “Ping” Lacson at dating Senate President Vicente “Tito” sotto ang magiging mukha ng minority bloc.

Ang mga Gen Z na karamihan ay mga kakampinks at dilawans na nangampanya at nagpapanalo kina Bam at Kiko, karamihan ngayon ay dismayado sapagkat ang inasahan nila’y sasamahan ng mga ito si Senadora Risa Hontiveros na ngayon ay nag-iisa na tatawaging ‘independent bloc’.

Sumama ang dalawa sa mayorya marahil dahil nais makuha ang committee na gusto talaga nila at ito ay ipinangako namang ibibigay ng mga kasamahan sa super majority na para kay Bam ang education at kay Kiko ang agriculture.

Pakiwari ko, naging praktikal at mautak ang dalawang mambabatas dahil kailangan nilang masungkit ang nais pamunuang committee at maipasa ang mga panukala nilang batas kapag kaalyado nila ang mayorya.

Laro sa pulitika, datapwa’t ang ganitong taktika ay hindi naman nangangahulugang pagsuko ng kanilang prinsipyo para sa tama at laban sa mali.

Pinapakita naman ni Hontiveros ang kanyang paninindigan sa tama at wastong prinsipyo na kailanma’y hindi mapapayukod sa kanyang paniniwala dahil ibang-iba ang kanyang katapatan sa katotohanan, katarungan at katuwiran ng lahi at ng lipunang Pilipino.

Hindi siya pinanghihinaan o natatakot kahit mag-isa dahil ganito talaga ang prinsipyo ng pinakaunang aktibista at democratic socialist na senadora sa kasaysayan ng ating bansa.

Kita naman sa kanyang performance sa loob ng Senado kung sino-sino ang kanyang binangga at ipinatawag. Tunay, palaban at makabayan!

Samantala, saang bloc kaya sasama sina Senators Gatchalian at Lapid. Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here