GALIT at hindi matanggap ng mga botante ng District 6 ng Maynila na ang idineklara ng Commission on Elections na Congressman sa kanilang distrito ay si Rep. Benny Abante.
Paano naman kasi, ang ibinoto nila ay si dating Councilor Joey Uy. Si Uy ang kalaban ni Abante sa pagkakongresista sa Manila District 6. Lamang ng halos 2,000 si Uy sa kanyang katunggali.
Naiproklama na si Uy na siyang nanalo noong bilangan matapos ang halalan subalit hindi matanggap ni Abante kung kaya naman nagpetisyon ito at inireklamo ang citizenship ni Uy na kaagad namang pinanigan ng Comelec.
Hindi na tiningnan ang record ni Uy na ilang panahong naging konsehal ng Maynila sa distritong tinakbuhan nito kung saan nga nakatunggali niya si Abante.
Dahil sa mga kontrobersya laban kay Abante na lumabas sa social media at base sa napanood sa imbestigasyon ng Quadcom, marami ang nagalit kay Abante kaya naman hindi na tinangkilik ng kanyang nasasakupan.
Hindi matanggap ng sumusuporta kay Abante ang kanyang pagkatalo kung kaya’t gumawa ang mga ito ng paraan upang makaupo sa pwesto sa pamamagitan ng pagkwestyon sa citizenship ni Uy.
Ang komento ng marami lalo na ng mga botante, kung may problema sa citizenship ni Uy bakit siya nanalo noong tumakbo ng konsehal ay hindi kinuwestyon ang kanyang citizenship. Sinasabing noon pa ay malinis na ang pangalan ni Uy sa usapin ng kanyang citizenship.
Sabi nga ng mga kakampi ni Uy, dapat, noong nagfile pa lang siya ng Certificate of Candidacy ay kaagad na pinag-aralan, sinuri at saka diniskwalipika kung totoong may sabit ang citizenship nito.
Kung kailan nanalo, tsaka pinawalang bisa ang panalo. Sa administrasyon tuloy pumutok ang inis at galit ng mga botante. Sabi tuloy ng mga ito, kapag gusto may paraan, kapag ayaw maraming dahilan.
Sa kasong ito nina Uy at Abante, sinasabi ng mga botante “ Kapag kakampi sinusuportahan, kahit magresulta ng dayaan! Iyon na! Mamamayan na ang humusga.






