Home NATIONWIDE Yorme sa mga Manilenyo: Face mask on vs maruming hangin mula Indonesia

Yorme sa mga Manilenyo: Face mask on vs maruming hangin mula Indonesia

1
0

MANILA, Philippines – “DAIG ng maagap ang masipag”

Ito ang ipinahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasabay ng paalala nito sa publiko partikular na sa mga Manilenyo na magdoble-ingat matapos pumalo sa mapanganib na antas ang kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng lungsod dahil sa makapal na usok na umano’y nagmumula sa forest at land fires sa Kalimantan, Indonesia.

Sa kanyang “Talk to the People” nitong Martes, Setyembre 1, sinabi ni Domagoso na nakapagtala ng nakaaalarmang air quality readings ang mga monitoring machine ng Manila City Government alas-6 ng umaga.

Tatlong monitoring stations na matatagpuan sa Puregold Tayuman, Anda Circle at San Sebastian Residences ang nagtala ng “Very Unhealthy” na Air Quality Index (AQI).

Samantala, nakapagtala naman ng “Unhealthy for Sensitive Groups” na antas ng hangin ang monitoring stations sa Sta. Ana Hospital at Rajah Sulayman Park.

Ayon sa alkalde, tugma ang mga nakuhang datos sa monitoring ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB).

Mas mataas pa umano ang naitalang AQI sa real-time monitoring station ng DENR-EMB sa Mehan Garden, Manila, na umabot sa 231, na itinuturing na “Acutely Unhealthy.”

Dahil dito, hinimok ni Domagoso ang mga Manileño, lalo na ang mga may dati nang karamdaman, senior citizen, buntis at mga estudyante, na magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay.

Iminungkahi pa ng alkalde na doblehin ang face mask bilang dagdag-proteksiyon laban sa maruming hangin.

“Importanteng-importante na gumamit tayo ng mask, at hangga’t maaari, ito ay doblehin ninyo dahil hindi po maganda ang hangin na ating malalanghap sa mga darating na oras,” ani Domagoso.

Pinayuhan din niya ang mga walang importanteng lakad na manatili muna sa loob ng bahay at panatilihing nakasara ang mga bintana upang hindi makapasok ang maruming hangin.

Ipinaliwanag ng alkalde na iniuugnay ang haze sa malawakang forest fires sa Kalimantan at Sumatra sa Indonesia, kung saan ang makapal na usok ay tinatangay ng hangin patungo sa Pilipinas.

Samantala, nakaalerto na rin umano ang Manila Health Department (MHD) at lahat ng pitong district hospitals ng lungsod sakaling dumami ang mga pasyenteng makaranas ng epekto ng maruming hangin.

Bukod sa problema sa air quality, patuloy ding hinaharap ng Maynila ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis na dulot ng epekto ng malalakas na pag-ulan at pagbaha.

Inatasan naman ni Domagoso ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) at Department of Environment and Public Services (DEPS) na mahigpit na subaybayan ang galaw ng hangin at kalidad nito.

Nangako ang alkalde na patuloy na maglalabas ng update sa publiko habang minomonitor ang sitwasyon.

Nanawagansi Yorme Isko sa mga Manileño at mga nagtutungo sa Maynila na dagdagan ang kanilang proteksiyon laban sa maruming hangin. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here