ISANG hamon ngayon sa Kamara at Senado ang bagong patakaran ng Supreme Court o SC sa mga testigo sa mga paglilitis sa korte, lalo ang mga nasa ibang bansa.
Ayon sa SC, pwede na silang sumali sa mga paglilitis kahit wala sila sa loob ng korte o kahit nasa abroad sila.
Ang hindi lang magawa ng korte ay pwersahin silang mga nasa abroad para tumestigo sa bisa ng video-conference gamit ang computer.
‘Yun bang === pwede silang tumestigo kung boluntaryo silang maging saksi.
Sa mga lokal na paglilitis, ang gagawin lang ng mga huwes ay magpaalam sa mga Office of the Regional Court Manager na gagawin nila ang paglilitis sa sakop ng kanilang judicial region o sa Office of the Court Administrator (OCA) kung nasa labas nito.
Para sa nasa abroad, bukod sa mga embahada at konsulado, pwede nang tumestigo sila sa kahit saang may opisina ang gobyerno o ibang lugar na may kasunduan ang Pilipinas at ibang bansa para rito.
Kailangan lang ng mga magkalaban sa korte, kanilang testigo at abogado na mag-file ng mosyon sa korte ng paglilitis at isaalang-alang ang mga bagong patakarang ito, nauukol na mga batas, pamamaraan at hangganan ng mga kasunduan ng Pinas at ibang bansa.
SI ZALDY CO AT IBA PA
Kung matatandaan ninyo, mga Bro, ayaw nang Senate Blue Ribbon Committee at ang House Committee on Justice na tumestigo sa kasong impeachment si dating Ako Bikol Partylist Representative Zaldy Co, at siyempre, kahit iba pa dahil nasa abroad sila.
Dapat umanong magpakita at nandito si Co o iba pa para sumpaan ang kanilang affidavit at patotohanan nang personal ito at dumaan sa mga proseso ng pagdinig.
Ngayong naglabas ng pagbabago ang SC, hindi kaya pupwedeng sumunod dito ang nasabing mga komite?
Kung pupwede ngunit hindi susunod ang nasabing mga komite, ano kaya ang mangyayari?
Alalahaning nang magdesisyon ang SC na ibasura ang kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ng mga nasa komite na wala silang magawa kundi sumunod.
At sumunod din sa mga nararapat na hakbang para maaayon sa Konstitusyon ang pagsasampa ng kaso, kasama ang pagsunod sa due process.
INIATRAS NA IMPEACHMENT
Tanggapin man nila o hindi, isa sa mga malaking dahilan ng pag-atras sa pagsasampa ng ikatlong kasong impeachment laban kay Pang. Marcos ang hindi pagpayag ng House Committee on Justice na magtestigo si Co laban sa Pangulo.
Inasahang kapani-paniwalang testigo si Co laban kay Marcos dahil magsisilbi itong direktang testigo.
Kaugnay nito, walang ganitong direktang testigo ang mga dalawang kasong impeachment na tinatalakay ngayon ng House Committee on Justice kaya medyo alanganin umano kung magtatagumpay ito.
Kaugnay nito, kung sersyoso talaga ang nasabing komite sa pagsasampa ng kaso at panagutin ang dapat managot sa P1.2 triyong nakawan sa flood control program, pwede nilang pagsama-samahin ang mga kasong nakasampa at buuin mula rito ang sinasabing Articles of Impeachment at isali ang lahat ng ebidensya, kasama ang mga testimonya ni Co.
Ano nga kaya kung balewalain ang bagong patakaran ng SC ng nasabing mga komite at sabihing hindi pupwedeng iaplay ito sa mga kasong impeachment?






