Home OPINION UTANG NG MGA KORAP BABAYARAN NATIN

UTANG NG MGA KORAP BABAYARAN NATIN

197
0

NAKATATAKOT na ang halaga ng utang ng Pilipinas sa loob at labas ng bansa.

Lumitaw na may kabuuang utang ang pambansang pamahalaan na P17.71 trilyon sa katapusan ng 2025 at sinasabing 63% ito ng P28 trilyong gross domestic product ng Pinas.

Pinagsamang halaga ng produkto at serbisyo ang GDP.

Ito umano ang pinakamalaking pagkakautang ng bansa sa nakalipas na 20 taon.

Nangungutang tayo para matugunan ang mga pangangailangan natin sa gastusin at uunlad din tayo.

Kabilang naman sa nagpapalaki ng utang ang pagbaba ng halaga ng piso laban sa dolyar.

Para madaling makita, noong 2022 na simula ng pag-upo ni Pangulong Ferdinand Marcos, P54.5054 ang katumbas ng 1 dolyar at noong 2016 na panimula ng pag-upo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nasa P47.492.

Ngayon, nasa P59.1355 kada dolyar kaya kailangang mag-ipon ng maraming piso ang Pinas para pambayad sa utang.

Ayon sa mga ekonomista, narito na tayo sa posibilidad na medyo bantulot nang magpautang ang mga dayuhan at lokal na nagpapautang sa takot na baka hindi natin sila mabayaran.

Mabuti lang sana umano kung 60% pababa ang halaga ng utang kumpara sa GDP natin at may natitira pang kumpiyansa ng mga nagpapautang na magpautang.

Ang problema, bagsak ang ekonomiya ng Pinas, ayon sa Asian Development Bank, World Bank, International Monetary Fund at kumpirmado mismo ito ng pamahalaan natin.

Itong talamak na korapsyon ang isang napakalaking dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa halip na maging mabunga ang mga proyektong pinaggagamitan ng salaping bayan na may kasamang utang, dumiretso ang malalaking bulto ng salaping bayan sa mga bulsa ng mga korap.

Ang isang nakatatakot na mangyari, mga brad, upang makapagbayad tayo ng utang, eh, magdaragdag ang gobyerno ng mga bagay na ating bubuwisan, tapos nanakawin lang din ulit.

Oks lang ba kayo sa ganitong mga nangyayari?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here