MANILA, Philippines – Itinutulak ni Senador Bam Aquino ang isang komprehensibong sistema para sa kaligtasan sa mga paaralan, kabilang ang zero-tolerance policy laban sa bullying at angkop na pagkilos sa pag-iwas, proteksiyon, paghilom, at pagdidisiplina.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2390 ni Aquino, o ang panukalang Comprehensive School Safety Act, kailangang magbigay ang lahat ng paaralan ng madaling ma-access na reporting channel at agad na masuri at matugunan ang mga kaso ng bullying at iba pang isyu na maglalagay sa panganib sa mga estudyante at school personnel.
“Schools face a range of threats to the safety and well-being of learners and school personnel, including bullying, violence, abuse, harassment, emergencies, digital risks, unsafe conditions, and other emerging risks,” wika ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“We need systems that prevent harm, prepare schools to respond when risks arise, and provide the support necessary for recovery when incidents occur. The need for a stronger and more comprehensive approach has become increasingly clear,” dagdag pa niya.
Layon ng panukala na palakasin ang pagpigil, pag-uulat, at pagtugon sa karahasan, bullying, cyberbullying, at iba pang banta, at matiyak na ligtas ang mga paaralan para sa mga estudyante at school personnel.
Inaatasan nito ang Department of Education, kasama ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno at iba pang stakeholders, na bumuo ng National Comprehensive School Safety Framework na magtatakda ng pambansang pamantayan para sa seguridad, anti-bullying, digital safety, mental health, paghahanda sa emergency, at pag-uulat.
Bawat paaralan ay dapat gumawa at taun-taong mag-update ng School Safety Plan na naglalaman ng mga emergency protocol, hotline, safety infrastructure, digital safety measures, mga aktibidad sa labas ng paaralan, pakikipag-ugnayan sa komunidad, at monitoring.
Kailangan ding itaguyod ng mga paaralan ang ligtas, inclusive, magalang, at supportive na kultura. Dapat din silang magkaroon ng zero-tolerance policy laban sa karahasan, pang-aabuso, bullying, diskriminasyon, harassment, at iba pang mapanganib na gawain.
Sa ilalim ng Comprehensive School Safety Policy, kailangang maiwasan, matukoy, maiulat, at agad na matugunan ang bullying, cyberbullying, karahasan, pang-aabuso, diskriminasyon, harassment, at iba pang banta sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Depende sa antas ng panganib, maaaring lagyan ang mga paaralan ng mga kinakailangang safety infrastructure at security equipment, kabilang ang CCTV cameras, screening equipment at metal detectors, visitor management systems, security personnel, perimeter security, at emergency alert systems.
Magkakaroon din ng regular na safety assessment, security monitoring, emergency drills, safety orientations, at taunang School Safety Audit upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at school personnel.
Pinapalakas din ng panukala ang safety measures para sa mga aktibidad sa labas ng paaralan, digital threats, at cyberbullying. Kasama rin dito ang psychosocial support, peer programs, at early intervention upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral.
“We owe this to our teachers, who deserve a safe place to teach. And we owe it to every parent and guardian, to assure them that their government is doing everything to protect their children and keep them safe,”ani Aquino. Ernie Reyes