Home NATIONWIDE 3 South Korean divers nasagip sa Isla Verde

3 South Korean divers nasagip sa Isla Verde

1
0

MANILA, Philippines – Nasagip ang tatlong South Korean divers na napadpad apat na nautical miles mula sa kanilang dive site sa Puerto Galera, Oriental Mindoro at natagpuan sa dagat na sakop ng Isla Verde, Batangas.

Ang mga dayuhan ay nagda-dive sa Canyon Reef sa Barangay Sinandigan sa Puerto Galera, at inaasahang matatapos sa loob ng isang oras.

Nang bigo ang mga ito na makabalik sa kanilang inaasahang oras ay hinanap ng operator ng kanilang speedboat ang mga ito ngunit hindi natunton.

Sumama na rin ang kondisyon ng dagat matapos nito.

Inalerto naman ng operator ang Puerto Galera municipal administrator, dahilan para magpadala ng search and rescue teams ang Coast Guard Sub-Station Puerto Galera.

Ang mga diver ay namataan 3.12 nautical miles hilagang kanluran ng Barangay San Agustin sa Isla Verde.

Ayon sa Coast Guard, naglalayag ang mga crew ng M/V FastCat M19, mula Batangas patungong Calapan, Oriental Mindoro, at napansin ang ilaw sa tubig at inalam kung ano ito.

Isang babaeng diver ang nasagip ng crew ng FastCat habang ang dalawang lalaking diver ay narekober ng Paradise Diving Boat 4.

Ang tatlong diver ay ligtas na naibyahe patungo sa Barangay Sabang sa Puerto Galera.

Sinuri naman ng mga tauhan ng Puerto Galera MDRRMO ang kondisyon ng mga diver na nasa ligtas na kondisyon.

Iniimbestigahan na ng Coast Guard Station Oriental Mindoro, sa pakikipagtulungan sa CGSS Puerto Galera, ang insidente kabilang ang pagsunod ng diver sa nararapat na maritime safety requirements. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here