MANILA, Philippines — Umabot sa P358.44 bilyon ang gross collections ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong Hulyo, higit P22 bilyon sa itinakdang buwanang target ng ahensya.
Ayon sa BIR, mas mataas ng 5.7 porsiyento ang Hulyo collection kumpara sa P339.03 bilyon na nakolekta sa parehong buwan noong nakaraang taon. Nalampasan din nito ang P336.07-bilyong target ng P22.37 bilyon, o 6.66 porsiyento.
Sa unang pitong buwan ng 2026, umabot na sa P2.003 trilyon ang nakolekta ng BIR, 5.4 porsiyentong mas mataas kaysa P1.901 trilyon sa kaparehong panahon noong 2025.
Nalampasan din nito ng P13.53 bilyon ang P1.99-trilyong target para sa January hanggang July, katumbas ng 0.68 porsiyento.
Ang year-to-date collection ay nasa humigit-kumulang 59 porsiyento na ng revised full-year target ng BIR na P3.393 trilyon para sa 2026.
Ibinaba ng Development Budget Coordination Committee ang dating P3.431-trilyong annual target ng P38 bilyon matapos bawasan ang forecast sa economic growth ng bansa dahil sa epekto ng corruption scandal at Middle East oil shock.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, nakatulong sa pagtaas ng koleksyon ang limang-puntong reform agenda ng ahensya, kabilang ang pagpapasimple ng tax rules at proseso, pagpapalawak ng digital services, pagpapabuti ng taxpayer assistance, pagpapalakas ng audit safeguards at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa buwis.
Sinabi ni Mendoza na patuloy nilang tutulungan ang mga taxpayer na makasunod nang tama at nasa oras, habang tinitiyak na makokolekta nang patas at mahusay ang mga buwis na dapat bayaran. RNT/JGC