Home METRO 3 timbog sa ikinasang drug-bust ops sa Taguig

3 timbog sa ikinasang drug-bust ops sa Taguig

MANILA, Philippines – Nalambat ng pinagsanib na pwersa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), District Intelligence Division, (DID), District Mobile Force Battalion (DMFB), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-SDO), at ng Taguig City police Substation 9 ang tatlong drug suspek sa ikinasang buy-bust operation madaling araw ng Sabado, Hunyo 15.

Sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete ay nakilala ang tatlong arestadong suspek na sina alyas Ron, 25 at alyas Randy, 38, kapwa construction workers; at isang alyas Allan, 42, driver.

Ayon kay Rosete, naganap ang pagdakip sa mga suspek dakong ala 1:30 ng madaling araw ng Sabado sa Barangay Rizal, Makati City.

Sinabi ni Rosete na sa isinagawang buy-bust operation ng kanyang mga tauhan ay nakarekober ang mga ito ng ng dalawang heat-sealed plastic sachets at isang knot-tied plastic bag na naglalaman ng kabuuang 40 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱272,000, isang cellular phone, at ang buy-bust money na ₱1,000 na nakapaibabaw sa 11 piraso ng counterfeit bills.

Itinernober naman ang nakumpiskang hinihinalang shabu sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa qualitative at quantitative analysis habang nasa kustodiya ng DDEU ang taltong suspek na nahaharap sa paglabag ng Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165. James I. Catapusan