Home OPINION BENEPISYO PARA SA DENGUE CASES ITINAAS NG PHILHEALTH

BENEPISYO PARA SA DENGUE CASES ITINAAS NG PHILHEALTH

Ang buwan ng Hunyo sa ating bansa ay kinikilala bilang “Dengue Awareness Month” dahil ito rin ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan kung saan namamayagpag ang mga lamok na Aedes aegypti na nagdadala ng dengue.

Sa gitna ng abiso at babala mula sa DOH o Department of Health hinggil sa inaasahang pagtaas ng dengue cases sa bansa ngayong taon dulot ng La Niña weather phenomenon na maghahatid ng mas maraming pag-ulan, tinaasan ng PHILHEALTH o Philippine Health Insurance Corporation ang benefit package na magagamit ng mga magiging pasyente ng nasabing viral infection.

Mula sa dating Php 10,000 ay hanggang Php 13,000 na ang benepisyo o karagdagang 30%. Ayon sa PHILHEALTH, bahagi ito ng ipinangakong pagtataas ng benepisyo sa lahat ng medical condition package na naging epektibo noong February 14, 2024.
Paalala pa ng PhilHealth, ipinatutupad nila ang “No Ba­lance Billing” policy o walang karagdagan pang gastusin kung ang pasyente ay nasa ward-type accommodation sa pampublikong ospital o sa PhilHealth accredited health facilities sa buong bansa.

Nakukuha ang dengue sa maruming kapaligiran. Nabubuhay at dumarami ang lamok na nagdadala nito sa maruming tubig gaya ng kanal at sa mga stocked up na tubig sa paso, plastic bag, gulong at lata. Apektado nito ang mga taong mahina ang immune system.

Ilan sa palatandaan ng pagkakaroon nito ang mataas na lag­nat, masakit na ulo, pagkakaroon ng rashes, pananakit ng katawan, sore throat, pagsusuka, diarrhea, pagkahilo, pagdura ng dugo at pagkakaroon nito sa dumi at ilong.

Tumatagal ng tatlo hanggang labing-apat na araw ang sintomas nito.

Ilan sa mga komplikasyon ng dengue ang pneumonia, pa­mamaga ng atay at paglaki ng puso.

Kaugnay nito, hinimok ng DOH ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng regular na paglilinis sa kanilang mga komunidad partikular sa mga lugar na mayroong naiipon o imbak na tubig kung saan paboritong manganak ng mga Aedes aegypti na siyang nagdudulot ng dengue.

Nakapagtala na ang kagawaran ng 70,498 dengue cases sa buong bansa kung saan 197 ang nasawi mula lamang January 2024 hanggang nitong June 1, 2024.

Ayon pa sa PHILHEALTH at DOH, malaki ang maitutulong ng pagsasagawa ng “5S Kontra Dengue” na kinapapalooban ng search and destroy, self-protection, seek consultation, support fogging in outbreak areas o pagsasagawa ng misting lalo na kung may outbreak o nasa hotspot ang inyong lugar, at sustained hydration.

Malaking tulong ang pagkakaroon ng Universal Health Care Law dahil nagkaroon ng access sa health services ang nasa 115 million Filipinos na.

Sa pabago-bagong panahon, pagtindi ng stress na nararanasan ng marami, at unhealthy lifestyle ng maraming Filipinos, marami ang nagkakasakit.