Home NATIONWIDE BIR ‘fixer’ syndicate timbog!

BIR ‘fixer’ syndicate timbog!

MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagkakaaresto sa isang sindikato na ang modus ay panlilinlang ng “taxpayers” kung saan naniningil sila ng milyon-milyong piso upang matulungan sila na maayos ang kanilang malaking problema sa kinakaharap nilang babayarang buwis.

Ayon ka BIR Commissioner Romeo D. Lumagui, ang grupong ito ng mga pribadong mamamayan, na hindi kaanib ng BIR, ay nakumbinsi ang biktima na may koneksyon umano sila sa matataas na opisyal ng BIR kung saan maaaring ayusin ang kanilang mga problema sa buwis.

Sinabi ni Lumagui na nagawa ng sindikato ang pangingikil ng P3.6 milyon mula sa mga biktima sa pamamagitan ng pamemeke ng mga pirma ng BIR commissioner, deputy commissioners for operations and legal groups, assistant commissioner ng Large Taxpayer Service, at revenue district officer.

“The arrest of this syndicate of fixers serves as a reminder to all taxpayers to avoid dealing with these groups and to always verify the authority of any person in dealing with your tax obligations,” ani Lumagui.

Hinikayat naman ni Lumagui ang publiko na iulat sa BIR ang mga indibidwal o grupo na gumagawa ng ilegal na gawaing tulad nito upang sila ay agad na mahuli o maaresto.

Nabatid na ang mga fixer na naaresto noong Abril 12 ay gumamit ng acknowledgement receipts na naglalaman ng mga pekeng pirma para sa iba’t ibang serbisyo ng BIR tulad ng “processing of documents,” “extension of compliance with Computerized Accounting System,” at “processing and fixation of transfer” mula sa isang Revenue District Office patungo sa isa pa.

Nilinaw naman ng BIR na sila ang humahawak sa lahat ng proseso ng pagbubuwis at ang mga nagbabayad ng buwis ay maaaring kumpletuhin ang mga ito sa mga tanggapan ng bureau, at binanggit na hindi na kailangan ng middleman o “fixer”. JAY Reyes