Home METRO Drug den binuwag, 3 timbog sa Pateros buy-bust

Drug den binuwag, 3 timbog sa Pateros buy-bust

MANILA, Philippines- Sa patuloy at pinaigting na operasyon kontra ilegal na droga ay nabuwag ng pinagsanib na pwersa ng iba’t ibang sangay ng kapulisan na pinamunuan ng District Drug Enforcement Unit-Southern Police District (DDEU-SPD) ang isang drug den at nadakip ang tatlong drug pushers na nakuhanan ng shabu, madaling araw ng Sabado, Hunyo 8.

Kinilala ng SPD ang tatlong inarestong suspek na sina alyas Bugoy, 29, tinaguriang high-value individual (HVI); alyas Philip, 23, street-level individual (SLI) at isa pang HVI na maintainer ng binuwag na drug den na si alyas Arleen, 45.

Base sa report na natanggap ni SPD director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete, naganap ang pagdakip sa tatlong suspek sa ikinasang buy-bust operation dakong ala-1 ng madaling araw sa Barangay Sta. Ana, Pateros.

Sa isinagawang operasyon na pinangunahan ng mga tauhan ng DDEU-SPD at ng DID, DMFB, PDEA-SDO, Pateros MPS DEU, at ng Sub-station 1 ay nakumpiska sa posesyon ng tatlong suspek ang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱340,000.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pateros Municipal Police Station ang tatlong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). James I. Catapusan