Home METRO Konsi timbog sa droga!

Konsi timbog sa droga!

CEBU CITY, Philippines- Swak sa selda ang isang barangay kagawad ng Tutay, Pinamungajan, Cebu matapos maaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa drug charges sa bayan ng Aloguinsan niton Huwebes ng umaga.

Kaugnay ang warrant ng kasong may kinalaman sa ilegal na droga na kinasasangkutan umano ng opisyal ng barangay.

Kinilala ang suspek na si Rhaabe Yanong Norteza, nasa hustong gulang, may asawa, at aktibong kagawad ng Barangay Tutay sa munisipalidad ng Pinamungajan, southwestern Cebu.

Nanungkulan umano si Norteza bilang barangay chairman bago ang kasalukuyan niyang posisyon.

Sinabi ng mga pulis sa ulat na nadakip ang suspek sa Barangay Poblacion, sa bayan ng Aloguinsan sa southwestern Cebu bandang alas-10:30 ng umaga noong Huwebes.

Isinilbi ang warrant of arrest laban sa kanya ng mga tauhan ng Aloguinsan Municipal Station Tracker team.

Nahaharap si Norteza sa kasong possession of illegal drugs at possession of drug paraphernalia, na inihain laban sa kanya ng mga awtoridad sa bayan ng Pinamungajan.

Samantala, inisyu ang warrant of arrest laban sa kanya ng presiding judge ng Family Court Branch 59 ng Toledo City, Cebu.

Pansamantalang idinitene si Norteza sa custodial facility ng Aloguinsan Municipal Station subalit pinakawalan din ng mga awtoridad sa parehong araw.

Base sa mga pulis, nakapagpiyansa si Norteza ng halos P40,000 kaya nakalaya ito. RNT/SA