Bulacan – Patay ang isang 71-anyos na biyudo makaraang pwersahang dukutin at bugbugin ng armadong grupo sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Russel Foronda, 36, residente ng Brgy. Paco, Obando, Jimmy Hinugin, 43, Jenny Chavez, 43, kapwa taga-Brgy. Kamangyanan, Sta. Maria, Madel Adalla, 41 ng Dagat-dagatan, Caloocan City, Rowena Rimaldo, 51, Raquel Dela Cruz, 46 ng Pulo Pandan, Alaminos, Pangasinan habang nakatakas sina alyas Putot at Inday
Kinilala ang biktima na si Herminigildo Estonillo, biyudo, residente ng Brgy. Loma de Gato, Marilao.
Sa report ng SJDM police station kay Bulacan Police Director PCOL. Relly Arnedo, naganap ang insidente bandang alas-5:25 ng hapon nitong Hunyo 21 sa Kelsey Hills Subd. Brgy. Muzon.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naglalakad ang biktima nang pwersahang isakay ng mga suspek sa itim na Mitsubishi Adventure.
Walang kaabog-abog na hinampas nang paulit-paulit ng baril ng mga suspek ang biktimang nagpupumiglas hanggang sa aksidenteng nakatakas kalaunan sa loob ng sasakyan.
Dahil dito, nakahingi ng tulong sa duty security guard ang bugbog-saradong biktima na agad namang nag-report sa kalapit na istasyon ng pulisya.
Nang makarating ang report ay agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya kaya nahuli ang anim na suspek habang nakatakas ang dalawang kasabwat ng mga ito.
Sinasabing dinala ang lupaypay na biktima sa kalapit na hospital para sa paunang lunas subalit binawian din ng buhay kalaunan.
Narekober sa operasyon ang mga nakulimbat na mga alahas na nagkakahalaga ng P320,000 at P21,000 habang nasamsam din ang cal. 38 na may na apat na bala at improvised hand (sumpak) na may apat na balang 12 gauge mula sa mga suspek.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong robbery with homicide habang nakakulong sa naturang istasyon at patuloy ang pagtugis sa mga nakatakas. Dick Mirasol III