Home NATIONWIDE Iba pang paraan pang-ayuda sa katandaan pinag-aaralan ng solon

Iba pang paraan pang-ayuda sa katandaan pinag-aaralan ng solon

MANILA, PHILIPPINES – PINAG-AARALAN ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda kung paano matutugunan ng sapat sa ilalim ng Philhealth ang pangkalusugang mga pangangailangan ng matatanda o ‘Senior Citizens’ lalo na ang mahal at nakakapilay na gastos sa kanilang mga gamot.

Naging matagumpay si Salceda sa mga batas na inakda niya sa Kamara na naglalayong lalong palawakin ang mga benepisyo para sa matatanda at mga ‘persons with disabilities (PWD)’ o mga taong may kapansanan ngunit, ayon sa kanya, nahihirapan sila dulot ng patuloy na tumataas na gastusin at kakulangan sa pananalapi dahil retirado na ang mga ito.

Ayon kay Salceda, mga P1.6 milyon o 18 porsiyento ng kailangang P9.1 trilyon ang kulang sa suporta para sa pangangailangan ng matatanda, kaya sinisikap nilang matugunan ito para madagdagan ang buwanang P3,000 mayroon ang karaniwan sa kanila, kaya nananatili ang mga 47% ng ‘Senior Citizens’ sa matinding kahirapan.

“Ito ang dahilan kung bakit nagtutulungan kami nina SC Party-list Rep. Rodolfo M. Ordanes, at National Unity Party-list Rep. Alfel Bascug na kumakatawan sa mga PWDs. Matagal-tagal ko na ring pinagtutuunan ng pansin ang mga isyu kaugnay sa pangangailangan ng mga SCs, ngunit maraming chronic conditions ang sangkot doon na inaatupag ng PhilHealth kaya nangangailangan ito ng suporta,” paliwanag ng mambabatas.

Aniya, ang kakulangan sa pondo para dito ay itinuturing na ‘acute’ o ‘catastrophic health care issue.’ Kung hindi umano ito matutugunan, malaking suliranin ang idudulot nito sa karaniwang mga pamilya na may matatandang kasapi. Lalong bibigat pa umano ang mga kasong ito na ngayon ay nasa ilalim ng responsibilidad ng PhilHealth. Ang pang-medikal na gastusin na hindi matutugunan ay lalo pang magpapabigat sa karaniwang mga pamilya.

“Pinag-aaralan ko ngayon ang hiwalay na pondong ‘insurance’ sa ilalim ng PhilHealth para matugunan ito. Naiiba ang ‘risk profile’ nito kaya kailangan ang hiwalay na pondo, bagama’t hindi pa naman said ang pundo ng naturang ahensiya,” ani Salceda.

Ayon pa kay Salceda, hindi sapat ngayon ang kakayahan ng DOH [Department of Health] upang matugunan ito.

“Karaniwan ay mayrong mga ₱40 bilyong sobrang pundo, bukod sa reserbang pondo ang PhilHealth para tugunan ang higit na agresibong ‘seniors health insurance system.’ bukod sa reserbang pundo nito. Patungo tayo doon,” ayon sa mambabatas.

Sa kasalukuyan, milyon-milyong mga Pilipino, kasama ang mahihirap na matatanda at mga PWD ang ibayong nakikinabang na ng mga benepisyong pangkalusugan at iba pa, mula sa isang malayong pananaw na konseptong ipinaloob ni Salceda sa dalawang batas na inakda niya sa Kamara — ang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises’ (CREATE) at ‘Tax Reform for Acceleration and Inclusion’ (TRAIN).

Kamakailan lang, idinagdag naman ng FDA (Food and Drug Administration) ang 20 mga gamot sa listahan nito ng ‘VAT-exempt’ na mga medesina. Mahigit 2,000 ‘VAT-exempt drugs’ na ang kasama sa listahan ng FDA. Ang naturang mga gamot ay para sa mga karamdamang ‘cancer, hypertension, diabetes, kidney disease, high cholesterol, tuberculosis, mental health issues’ at iba pa.

Ayon kay Salceda, maraming matatanda at iba pang mahihirap na mga Pilipino ang malimit na hindi nakakainom ng gamot nila dahil sa kakulangan ng pambili sa mga ito. Sa ilalim ng FDA Advisory No. 2024-0329 na inilabas kamakailan, kasama sa 20 gamot na idinagdag ng ahensiya sa mga ‘VAT-exempt health products’ nito ang mga sumusunod: Para sa hypertension: “Losartan Potassium+Amlodipine (as besilate) 100 mg/10 mg tablet; Losartan Potassium+Amlodipine (as besilate) 100 mg/5 mg tablet; Irbesartan+Amlodipine (as besilate) 300 mg/5 mg tablet; and Irbesartan+Amlodipine (as besilate) 300 mg/10 mg tablet;” Para sa cancer: “Sonidegib (as phosphate) 200 mg capsule; Pemetrexed (as disodium heptahydrate) 100 mg lyophilized powder for IV infusion; Asciminib (as hydrochloride) 20 mg tablet; Asciminib (as hydrochloride) 40 mg tablet; Palbociclib 75 mg tablet; Palbociclib 100 mg tablet; Palbociclib 125 mg tablet; Pemetrexed (as disodium hemipentahydrate) 100 mg powder concentrate for solution for infusion; Pemetrexed (as disodium hemipentahydrate) 10mg/ml solution for injection; Cabasitaxel 60 mg/1.5 ml concentrate for solution for injection; Entrectinib 100 mg; and Entrectinib 200 mg.;” Para sa mental illness: “Cariprazine (as hydrochloride) 1.5 mg capsule; Cariprazine (as hydrochloride) 3 mg capsule; Cariprazine (as hydrochloride) 4.5 mg capsule; and Cariprazine (as hydrochloride) 6 mg capsule.” RNT