Home NATIONWIDE Move It rider lumusot sa EDSA busway nanuwag ng MMDA

Move It rider lumusot sa EDSA busway nanuwag ng MMDA

MANILA, Philippines – NAHAHARAP sa mas mabigat na parusa ang isang rider ng motorcycle ride-hailing service na Move It dahil sa tangka nitong pagtakas kung saan halos masagasaan na nito ang mga traffic enforcers na humuli sa kanya dahil sa paglabag sa EDSA Bus Lane policy ngayong Lunes, Abril 22.

Nabatid na pinara ng mga mga tauhan ng MMDA Special Operations Group-Strike Force ang Move It rider na may sakay na pasahero sa EDSA-Cubao northbound alas-8:30 ng umaga.

Imbes na huminto para mabigyan ng violation ticket, hinarurot ng rider ang kanyang motor. Sinubukan ng tatlong traffic enforcers na pigilan ang rider sa kanyang pagtakas, ngunit tinangka ng rider na takasan ang mga ito at patuloy ang pagpapatakbo ng kanyang motorsiklo.

Sa tulong ng mga kasamahan ng MMDA, naharang ng tuluyan ang rider at tinikitan ito dahil sa paglabag sa EDSA Bus Lane policy at reckless driving.

Sa utos ni MMDA Acting Chairman Atty. Artes, magsusumite ang ahensiya ng report sa ride-hailing app na kanyang pinapasukan at agad na maghahain ng reklamo sa Land Transportation Office kasabay ng paghiling na kanselahin ang kanyang lisensya.

Patong-patong din na criminal charges ang planong isampa ng ahensiya laban sa rider ng Move It. RNT