Home NATIONWIDE Phreatic eruption naitala sa Bulkang Taal

Phreatic eruption naitala sa Bulkang Taal

MANILA, Philippines – Nagkaroon ng phreatic eruption ang Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Lunes, Abril 29.

Sa pinakabagong bulletin, sinabi ng PHIVOLCS na tumagal ng dalawang minuto ang phreatic eruption.

Sinabi ng PHIVOLCS na ang phreatic eruption ay isang steam-driven explosion na nagaganap kapag ang tubig sa ilalim ng lupa ay napainit ng magma, lava, hot rocks o mga bagong volcanic deposits.

Samantala, umabot ng hanggang 600 metro ang mahinang pagbuga ng plume patungo sa north northwest direction ng Taal.

Mula alas-12 ng tanghali ng Linggo hanggang alas-12 ng tanghali ng Lunes, nasa kabuuang limang volcanic earthquakes ang naitala.

Namataan din ang long-term deflation ng Taal Caldera at ang short-term inflation ng general northern at southeastern flanks ng Taal Volcano Island.

Noong Abril 25, nagbuga ang Bulkang Taal ng 3,383 tonnes ng sulfur dioxide.

Nakapagtala rin ang bulkan ng ilang phreatic eruption sa mga nakalipas na linggo.

Samantala, nananatili sa Alert Level 1 ang babala sa Bulkang Taal. RNT/JGC