MANILA, Philippines – Iniimbistigahan na ng Office of the Solicitor General (OSG) si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para malaman kung mayroon itong ligal na karapatan na humawak ng pampublikong posisyon.
Sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na bumuo na siya ng special team ng solicitors upang busisiin ang naturang isyu at tukuyin kung may sapat na basehan para masabi na iligal ang panunungkulan ni Guo at hindi nararapat sa pampublikong opisina.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang OSG sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Commission on Elections (Comelec), Bureau of Immigration, Department of Interior and Local Government, Philippine Statistics Authority at Department of Education upang makakalap ng mahahalagang impormasyon.
Nilinaw ni Guevarra na ang imbestigasyon kay Guo ay isinasagawa “moto propio” bilang abugado ng gobyerno.
Ipinaliwanag ni Guevarra na sa sandaling magkakuja ng mga katibayan na hindi karapat dapat magkaroon ng posisyon sa gobyerno si Guo ay agad sisimulan ang quo warranto proceedings upang mapatalsik ito sa puwesto.
Magugunita na humarap si Guo sa Senado nitong nagdaang linggo para sagutin ang mga alegasyon na ito ang nasa likod ng POGO operation sa Bamban na sinalakay dahil sa mga iligal na aktibidad gaya ng human trafficking, serious illegal detention, physical abuse at torture.
Napagdudahan si Guo dahil wala itong masagot hinggil sa kanyang personal background. Teresa Tavares