Home NATIONWIDE Regional police director ng Central Luzon iimbestigahan sa Bamban, Porac POGO

Regional police director ng Central Luzon iimbestigahan sa Bamban, Porac POGO

MANILA, Philippines – Iimbestigahan ang regional police director ng Central Luzon kasunod ng pagkakadiskubre sa mga illegal na
Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, sinabi ni Philippine National Police chief Police General Rommel Francisco Marbil nitong Lunes, Hunyo 24.

“Tama iyong sinasabi niyo, we are investigating din po ‘yung regional director dun sa mga ‘yan, sa mga reports na hindi po naaaksiyunan mabuti,” ani Marbil sa press briefing.

“We put accountability dun sa mga regional directors,” dagdag pa niya.

Sa pahayag nitong weekend, binalaan ni Marbil ang mga pulis na mahaharap ang mga ito sa disciplinary actions kung mapag-aalamang sangkot sa operasyon ng illegal POGOs.

“This policy serves as a reminder: engage in illegal activities, and you will be dealt with accordingly,” anang opisyal.

Sa press briefing nitong Lunes, sinabi naman ni Marbil na inalis sa pwesto ang mga pulis na sangkot dito dahil sa kakulangan ng aksyon.

“I don’t want to say na protektor kasi wala naman po talagang protektor. We have our integrity monitoring group na nagchi-check po doon sa mga tao natin and I guess ang hinahabol natin inefficiency ng mga opisyal natin,” sinabi ni Marbil.

Sa POGO hub sa Porac, nadiskubre ng mga awtoridad ang ilang mga gamit sa pagtotorture, at mga kagamitan sa pag-clone ng SIM cards at pagpapadala ng text blasts.

Samantala, nadiskubreng mga pugante ang anim na Chinese POGO workers sa nilusob na POGO hub sa Bamban, Tarlac. RNT/JGC