Home METRO Sta. Cruzan gawin tuwing gabi para iwas init – QC official

Sta. Cruzan gawin tuwing gabi para iwas init – QC official

MANILA, Philippines – IMINUNGKAHI ni QC Councilor Alex Bernard Herrera, chairman ng QC Council on Health and Sanitation sa QCitizen gayundin sa mga barangay officials na gawin at simulan sa hapon na hindi na mainit ang panahon ang pagsasagawa ng mga liga at Santa Cruzan gayundin ng iba pang outdoor activities upang hindi maapektuhan ang kalusugan ng sobrang init ng panahon.

Sa ginanap na QC Journalist Forum, sinabi ni Herrera na sa ngayon ay nagbabahay bahay sila at nagbibigay impormasyon sa mga barangay na huwag munang gawin ang mga outdoor activities ngayong sobrang mainit ang panahon.

Sinabi din ni Herrera na dinagdagan na ng QC LGU ang bilang ng bus sa Libreng Sakay ng lokal na pamahalaan upang mas marami ang mabenepisyuhang tao ngayong tag init.

Idinagdag pa ng konsehal na pinalalagyan din anya ng lokal na pamahalaan ng isang departamento sa QC General Hospital upang maalalayan ang kalusugan ng mga senior citizen.

“Ngayong tag-init higit po nating inaalalayan ang mga senior citizen natin dahil sila ang higit na apektado ng tag init kaya po kami sa Konseho ay nagrekomenda na lagyan ng isang department para sa ating mga senior kasama na ang mga taong may hypertension” sabi ni Herrera.

Naglaan din anya sila ng dagdag na doktor sa mga health centers para tumugon sa medikal na pangangailangan ng mamamayan sa bawat barangay.

Idinagdag pa ni Herrera na mayroon din anyang 16,000 Urban Farmers ang QC para sa JOY of Urban Farming upang maging luntian ang mga ibat ibang lugar sa QC at tuloy makabawas sa epekto ng init ng panahon ang pagtatanim ng mga halaman at gulay sa pamayanan.

Inalalayan din anya ng lokal na pamahalaan ang mga PDLs sa mga kulungan sa QC Jails sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila kung panu maging well hydrated , nagkaloob sila ng dagdag na electric fan at tiniyak na may sapat na suplay ng tubig sa kulungan ang mga PDLs ngayong tag init.

Kaugnay nito sinabi naman ni Dra.Clairrol Astilla ng QC health Department na nakabukas mula alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon ang mga health centers ng QC para tumugon sa pangangailangang medikal ng QCitizens. (Santi Celario)