Home METRO ₱11-M ayuda, ipinamamahagi sa mga may sakit sa Maynila sa KAAGAPAY Program

₱11-M ayuda, ipinamamahagi sa mga may sakit sa Maynila sa KAAGAPAY Program

341
0

MANILA, Philippines – Aabot sa ₱11 milyong tulong pinansiyal ang ipamamahagi ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso para sa mga pasyenteng benepisyaryo ng KAAGAPAY Program ng pamahalaang lungsod.

Sa isinagawang “Talk to the Patients” nitong Biyernes (Pebrero 13), tiniyak ng alkalde na patuloy ang suporta ng lungsod sa mga residenteng dumaranas ng matitinding karamdaman at nahihirapang tustusan ang gastusin sa ospital.

Ayon kay Domagoso, naging posible ang pagbibigay ng ayuda dahil sa maayos na pamamahala ng pondo ng lungsod at patuloy na pagtitiwala ng mga nagbabayad ng buwis sa Maynila. Aniya, sinisiguro ng pamahalaang lungsod na napupunta ang pondo sa mahahalagang serbisyong panlipunan.

“Gagawin namin ang lahat. Maraming salamat sa taxpayers. Sa tiwala nila, nakakatulong tayo sa mga nangangailangan,” pahayag ni Yorme Isko.

Dagdag pa niya, layunin ng tulong pinansiyal na mabawasan ang mabigat na pasanin ng mga pamilyang may pinapagamot, lalo na ang mga patuloy pang bumabangon mula sa emosyonal at pinansiyal na epekto ng pagkakasakit.

Tiniyak din ni Domagoso na palalawakin pa ng lungsod ang pagtulong sa mas marami pang residente, kabilang ang mga pasyenteng kasalukuyang naka-confine sa ospital at mga batang sumasailalim sa gamutan.

“’Yung pera mawawala, kikitain ulit. Pero ’yung buhay, kapag nawala… huwag naman sana,” giit ni Yorme.

Binigyang-diin ng alkalde na kayang mabawi ang perang nawala, ngunit ang buhay ay hindi mapapalitan, kaya hinikayat niya ang mga pamilya na ituon ang pansin sa pagpapagaling at pagbangon.

“Umaasa ako na ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ang mga taxpayers ng Maynila ay nakatulong sa problema ninyo, o kahit papaano ay nabawasan ito. Magkaroon kayo ng kapanatagan. Ang nangyari sa inyo ay maaaring mangyari sa kahit sino,” dagdag pa niya.

— Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here