Home METRO ₱3M puslit na sigarilyo nasamsam sa SoCot

₱3M puslit na sigarilyo nasamsam sa SoCot

SOUTH COTABATO-UMABOT sa ₱3M halaga ng mga ipinuslit na sigarilyo ang nakumpiska ng mga awtoridad sa dalawang suspek makaraan maharang ang cargo truck sa isinagawang checkpoint sa bayan ng Tantangan.

Dinakip ang dalawang suspek na kinilalang sina Nohamen Makangkong, 28, driver ng cargo truck at isang 18-anyos nitong pahinante, kapwa taga Maitum, Sarangani.

Ayon kay Major Randy Apostol, hepe ng Tantangan Municipal Police Station, nagsasagawa ng checkpoint sa Barangay Cuyapo, Tantangan, ang Provincial Police Mobile Group Company ng parahin ang mga suspek.

Sa isinagawang inspeksyon tumambad sa pulisya ang nasa 299 na kahon na may 14,950 reams ng mga sigarilyong Canon na pinaniniwalaang ipinuslit sa bansa mula sa Malaysia o Indonesia.

Hiningan ng kaukulang dokumento ang mga suspek sa kanilang mga kargamento subalit bigo silang maipakita dahilan para arestuhin ang mga ito.

Sa pahayag ng mga suspek na ang mga kontrabando ay mula sa Palimbang, Sultan Kudarat at dadalhin sana nila ito sa South Cotabato at North Cotabato provinces.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad para sa ikadarakip ng may-ari ng mga kontrabando at managot.

Nahaharap ngayon kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act ang mga naarestong suspek.

Itinurn-over na rin sa BoC ang mga kontrabando para sa tamang disposisyon at dokumentasyon./Mary Anne Sapico