Home NATIONWIDE ₱53M ilegal na gamot at iba pang produkto, nasabat ng BOC

₱53M ilegal na gamot at iba pang produkto, nasabat ng BOC

182
0

MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa ₱53 milyong halaga ng umano’y smuggled na pharmaceutical products at iba pang kalakal ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon sa Manila International Container Port (MICP) nitong Martes.

Pinangunahan ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang inspeksyon, alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Romualdez Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa hangganan ng bansa.

Ayon sa ulat, nagmula sa China ang shipment na unang idineklarang naglalaman ng 1,144 pet cages. Gayunman, sa isinagawang inspeksyon ay nadiskubre ang mga hindi idineklarang gamot, dahilan upang irekomenda ng Customs Intelligence and Investigation Service – MICP ang 100% physical examination.

Sa masusing pagsusuri, tumambad ang 336 kahon ng iba’t ibang pharmaceutical products na nagkakahalaga ng ₱33.367 milyon, na walang kaukulang permit mula sa Food and Drug Administration (FDA). Bukod dito, nakumpiska rin ang 406 kahon ng iba pang produkto gaya ng electronics, cosmetics, automotive parts, hardware, at iba’t ibang accessories na tinatayang nasa ₱19.692 milyon ang halaga.

Ayon sa BOC, lumalabag ang shipment sa Section 1400 o misdeclaration sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kaugnay ng Section 1113 nito, gayundin sa Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.

Binigyang-diin ni Nepomuceno na patuloy ang kanilang intelligence at enforcement operations upang maprotektahan ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang integridad ng ekonomiya ng bansa.

Samantala, tiniyak naman ni MICP District Collector Felipe Geoffrey K. De Vera na mananatiling mahigpit ang pagbabantay sa mga pantalan bilang suporta sa pinaigting na kampanya kontra smuggling.

Nakiisa rin sa isinagawang inspeksyon si Atty. Franklin Anthony M. Tabaquin IV ng FDA, kasama ang mga kinatawan mula sa UNILAB Inc.

Sa huli, iginiit ng BOC ang kanilang patuloy na pagsusumikap na palakasin ang intelligence-driven operations upang mapigilan ang smuggling, maprotektahan ang kalusugan ng publiko, at maisulong ang patas na kalakalan sa bansa. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here