Home NATIONWIDE ₱8.1B BDP budget ikinatuwa ng NTF-ELCAC

₱8.1B BDP budget ikinatuwa ng NTF-ELCAC

677
0

Manila, Philippines – Malugod na tinanggap ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mungkahing alokasyon na ₱10 milyon bawat barangay para sa 808 dating apektado ng armadong tunggalian sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), na may kabuuang halagang ₱8.1 bilyon.

Ayon kay Executive Director Usec. Ernesto C. Torres Jr., ang panukala—na sumasalamin sa “matatag na pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa inklusibong kaunlaran”—ay nagbibigay ng malinaw na mensahe na “walang komunidad na maiiwan.”

“Hindi lang ito tungkol sa kalsada o gusali. Isa itong pamumuhunan sa kapayapaan, dignidad, at oportunidad para sa mga komunidad na matagal nang napabayaan at sugatan ng insurgensya. Bawat kalsadang ating binubuo, bawat silid-aralang itinatalaga, at bawat pamilyang pinalalakas ay hakbang palapit sa paglalagay ng armadong rebelyon sa kasaysayan,” ani Torres.

Ang Barangay Development Program (BDP), na kinikilala bilang pangunahing programa ng NTF-ELCAC, ay naghahatid ng mahahalagang imprastruktura at serbisyo sa mga barangay na nalinis na mula sa impluwensya ng CPP-NPA-NDF—kabilang ang farm-to-market roads, silid-aralan, health stations, sistema ng patubig, at elektripikasyon—na tumutugon sa mga ugat ng insurgensya sa ilalim ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD).

Bagama’t kapareho ng mga nakaraang NEP ang mungkahing ₱10 milyon bawat barangay, nagbabala si Torres na maaaring mabawasan nang malaki ang aktuwal na pondong aprubado sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA). Noong 2025, ₱2.5 milyon lamang bawat barangay ang inaprubahan ng Kongreso, dahilan upang humanap ang NTF-ELCAC ng karagdagang ₱5 milyon bawat barangay upang hindi maputol ang pagpapatupad ng mga proyekto.

“Mas malaki ang gastos ng pagpapabaya sa mga komunidad kaysa sa gastos ng pagpapaunlad,” sabi ni Torres. “Upang mapanatili ang kapayapaang pinaghirapan, dapat aprubahan ng Kongreso ang buong ₱8.1 bilyon. Hindi natin kayang umatras ngayon.”

Binalewala rin ni Torres ang inaasahang batikos mula sa CPP-NPA-NDF, aniya, lalo lang itong lalayo sa kanila sa mamamayan.

“Sa aktwal na kalagayan sa mga komunidad, malinaw ang resulta—bumababa ang kahirapan, dumarami ang kabuhayan, at naibabalik ang dignidad,” aniya.

Sa pagka-dismantle ng lahat ng 89 na communist guerrilla fronts, binigyang-diin ng NTF-ELCAC na dapat magpatuloy ang pagpapaunlad upang maiwasan ang pagbabalik ng tunggalian. Nangako ang ahensya na isasama sa BDP ang lahat ng natitirang nalinis na barangay para sa 2027 at 2028, bilang pagtupad sa misyon na walang maiiwang komunidad.

“Ang kapayapaan ay hindi regalo na basta na lang ibinibigay at iiwan—ito ay pangakong pinangangalagaan,” pahayag ni Torres. “Ang pondong ito ang tulay mula sa paglaya patungo sa pangmatagalang kasaganaan.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here