Home HOME BANNER STORY 1.02 milyon dumagsa sa Manila North Cemetery!

1.02 milyon dumagsa sa Manila North Cemetery!

MANILA, Philippines – Marami pa rin ang hindi umabot sa cut-off ng visiting hours sa pinakamalaking sementeryo sa bansa nitong Miyerkules, Nobyembre 1, araw ng Undas.

Ito ay makaraang isara eksakto alas-6 ng gabi ang pagpapapasok ng mga dumadalaw sa Manila North Cemetery.

Dismayado naman ang ilan sa mga nasarhan dahil hindi aniya nila alam na hanggang alas-6 lamang ang pagpapapasok ng mga tao sa loob ng sementeryo.

Ayon kay Ginang Mila, galing pa sila ng Biñan, Laguna kaya malayo-layo rin ang kanilang nilakbay bago sila nakarating sa MNC.

Isang babae rin ang nagawa na lamang na ihagis ang biniling bulaklak dahil sa pagkadismaya nang hindi na ito pinayagang makapasok pa sa entrada.

Batay sa pinakahuling update ng Manila Police District (MPD), umabot sa 1.025 milyon indibidwal ang bumisita sa MNC sa kabila ng pagbuhos ng ulan sa maghapon.

Ngayong araw, Nobyembre 2 asahan umano na mas kakaunti na ang dadalaw sa mga sementeryo. Jocelyn Tabangcura-Domenden