Home NATIONWIDE 1.2K health workers iha-hire ng administrasyon sa PGH

1.2K health workers iha-hire ng administrasyon sa PGH

NAKATAKDANG mag-hire ang gobyerno ng mahigit sa 1,224 healthcare workers para sa Philippine General Hospital (PGH) sa susunod na tatlong taon.

Ang hakbang ay kasunod ng pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM) sa hiniling na pondo ng University of the Philippines-Manila, nangangasiwa sa PGH, naglalayong palakasin ang puwersa ng mga manggagawa.

Ang karagdagang posisyon ay lilikhain sa apat na tranches, simula sa first quarter ng 2025, fourth quarter ng 2025, 2026 at 2027.

Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang pag-apruba sa budget ay nag-ugat sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tiyakin na ang kalidad ng healthcare services ay accessible sa mas nangangailangan nito.

“Ito ay bilang tugon sa kahilingan ng UP-PGH na palakasin ang organizational at manpower capacity ng hospital upang higit na makapagbigay ng dekalidad na healthcare services sa mga pasyente nito lalo na sa mga Pilipinong higit na nangangailangan,” ayon kay Pangandaman.

Nauna rito, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na na ang desisyong palawigin at paramihin ang hospital staff ay naglalayong paghusayin ang patient care at tiyakin ang mas mabilis na medical attention para sa mga naghahanap ng paggamot.

“Alam naman po natin na napakarami pong mga Pilipino ang talagang pumupunta sa PGH dahil po ito’y nakakapagbigay ng magandang serbisyo at maaari pong napakaliit na kanilang babayaran kapag po sila ay pumunta sa PGH,” ang sinabi ni Castro, binigyang-diin ang mahalagang papel ng ospital sa pagbibigay ng ‘accessible healthcare.’ Kris Jose