Home NATIONWIDE 1.3M estudyante ng DepEd sa 4K iskul apektado ng matinding init

1.3M estudyante ng DepEd sa 4K iskul apektado ng matinding init

Larawan kuha ni Danny Querubin

MANILA, Philippines- Mas maraming paaralan ngayon ang nagpapatupad ng Alternative Delivery Mode (ADM) sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Base sa pinakabagong datos mula sa Department of Education (DepEd), tinatayang may 3,954 eskwelahan ang apektado ng matinding init dahilan para suspendihin ng kani-kanilang Local Government Units (LGUs) ang face-to-face classes.

Bilang tugon, ang mga eskwelahan na ito ay lumipat sa pagpapatupad ng ADM para tiyakin na magpapatuloy ang pag-aaral ng 1,393,806 mag-aaral na apektado ng matinding weather conditions.

Ang ADM, gaya ng nakasaad sa DepEd Order No. 21, s. 2019, ay tumutukoy sa “instructional or learning modalities that do not strictly follow the typical setup for regular classroom instruction but follow the K to 12 curriculum in content.”

Ayon sa DepEd, may ilang eskwelahan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon (Calabarzon); MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan); Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos), at ang National Capital Region (NCR) ang nagsuspinde ng face-to-face classes at kagyat na lumipat sa ADM dahil sa napakainit na panahon.

Samantala, wala namang naiulat na deklarasyon na suspendido ang klase sa Regions X, XI, XII, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa kabilang dako, batay sa listahan ng DepEd, ang Region XII ang mayroong pinakamaraming bilang ng mga eskwelahan na lumipat sa ADM sa 801. Sinundan ito ng Region III na may 199 at NCR sa 183.

Ang Kalakhang Maynila, sa kabilang banda ay mayroong pinakamataas na bilang ng mga apektadong mag-aaral na may 395,210, sinundan ng Region VI na may 331,911, at Region I na may 283,091.

Samantala, maliban sa suspensyon ng klase, pinayagan naman ng DepEd ang mga eskwelahang magpatupad ng ilang ‘adjustments’ para tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante at guro sa gitna ng hindi kanais-nais na weather conditions gaya ng matinding init ng panahon. Kris Jose

Previous articleKelot arestado sa 7 counts of rape!
Next article2 bus ng MMDA sinita sa ilegal na pagdaan sa Edsa busway