Home METRO 1 patay, 1 sugatan sa sumemplang na motorsiklo

1 patay, 1 sugatan sa sumemplang na motorsiklo

ILOCOS SUR- Patay ang driver habang sugatan ang angkas nito matapos na sumemplang sa kalsada ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Brgy. San Julian Sur, Vigan City ng lalawigang ito kagabi.

Ayon sa pulisya, ang kulay blue na Honda Click motorcycle ay minamaneho ng 24-anyos na lalaki samantalang ang angkas nito ay isang 23-anyos na lalaki, parehong residente ng Brgy. Santo Tomas, Sto. Domingo, Ilocos Sur.

Ang motorsiklo ay bumibiyahe papuntang kanlurang direksyon sa Liberation Boulevard sa nabanggit na lugar.

Pagdating nito sa pinangyarihan ng insidente, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver hanggang sa tumama ang motorsiklo sa traffic island at sumemplang sa kalsada.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang dalawang biktima na agad na isinugod  sa Ilocos Sur Provincial Hospital-Gabriela Silang sa naturang lungsod.

Gayunman, ang driver ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor samantalang under observation pa rin ang back rider nito.

Parehong nasa impluwensya umano ng alak ang driver at angkas nito nang mangyari ang insidente. Rolando S. Gamoso