MANILA, Philippines- Hiniling ni ACT Teachers Partylist Representative France Castro na ipapubliko ang deliberasyon ng Bicameral Conference Committee para sa 2025 national budget.
“Ang aming panukala nga ay isa publiko itong mga bicam hearing,” pahayag ni Castro.
“Hindi dapat nangyayari ang mga insertions. Dapat ang titingnan lang ng Bicam ay ‘yung difference sa version ng Kamara at Senado. Hindi ka dapat nagdadagdag ng kung ano mang proyekto,” paliwanag nito.
Giit ni Castro, gaya sa mga nakaraang Bicam ay napapansin nya na may mga nadaragdagan na pagkakagastusan at nadodoble ang mga proyekto na hindi naman natalakay subalit naipasok sa Bicam.
“Sa mga nakaraang experience kasi natin sa budget, ito pa rin yung mga infrastructure projects na parang nadodoble,” dagdag pa nito.
Nangangamba si Castro na kung hindi gagawing bukas sa publiko ang pagtalakay ng Bicam ay ganito pa rin ang mangyayari, inihalimbawa nito ang budget ng Office of the Vice President na mula P2.2 bilyon ay ginawa na lamang ng Kamara na P700 milyon subalit kapag naisalang sa Bicam ay maaring ibalik sa dati ng Senado.
“‘Yung aming pagbabawas sa budget ng OVP, baka mabago din pagdating ng Senate o ng Bicameral committee,” giit nito.
Sa ngayon ay wala pang itinakdang petsa para sa Bicam.
Ang 2025 proposed budget ay naipasa na sa huli at ikatlong pagbasa ng Kamara habang patuloy itong nasa deliberasyon sa Senado. Gail Mendoza