LEYTE, Philippines – Isang 61-anyos na lalaki ang nasawi habang lima naman ang nasugatan sa banggaan ng apat na sasakyan sa Maharlika Highway sa Barangay 93, Bagacay, Tacloban City nitong Lunes.
Kinilala ang biktima sa alyas “Terry,” mula Jaro, Leyte, na nagmamaneho ng Skygo motorcycle. Idineklara siyang dead on arrival sa Eastern Visayas Medical Center.
Ayon sa pulisya, sangkot sa aksidente ang isang Toyota Hilux Tamaraw pickup, dalawang motorsiklo (Rusi at Suzuki Burgman), at ang Skygo motorcycle. May kanya-kanyang pasahero ang tatlong motorsiklo.
Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang insidente nang mag-overtake ang Skygo motorcycle sa pickup at napunta sa kabilang linya. Isang paparating na Suzuki motorcycle ang bahagyang lumihis sa linya, sumabit sa pickup, at bumangga sa Skygo. Dahil dito, nagkaroon ng sunod-sunod na banggaan at natamaan din ng Rusi motorcycle ang pasahero ng Skygo.
Sugatan ang lima, kabilang ang pasahero ng Skygo at ang mga driver at pasahero ng Rusi at Suzuki motorcycles. Lahat ay dinala sa EVMC para gamutin.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pananagutan at posibleng kaso kaugnay ng aksidente. RNT/MND