Home NATIONWIDE 1 patay sa pamamaril sa Zambo Sibugay

1 patay sa pamamaril sa Zambo Sibugay

MANILA, Philippines – Patay ang isang indibidwal matapos ang barilan sangkot ang dalawang magkalabang grupo sa Zamboanga Sibugay, iniulat ng Philippine Army nitong Miyerkules, Mayo 7.

“There were dalawang incidents doon sa Zamboanga Sibugay na allegedly shooting incidents,” ayon kay Philippine Army spokesperson Colonel Louie Dema-ala.

“As per initial report from our field units. These involved yung mga armed groups, warring party armed groups,” dagdag niya.

Ani Dema-ala, iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) at Army 1st Infantry Division ang insidente.

Sa inisyal na ulat, narinig ang palitan ng putok sa Barangay Mt. View sa Imelda, Zamboanga Sibugay nitong Martes ng gabi.

Narekober ang mga bala ng baril sa lugar.

Samantala, iniulat din ang isa pang shooting incident sa Barangay Litayon sa Alicia, Zamboanga Sibugay nitong Miyerkules ng umaga kung saan isang hindi tukoy na sibilyan ang nasawi.

Sumasailalim pa sa validation ang naturang mga ulat.

Bago nito, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia na sinuspinde ang final testing at sealing ng automated counting machines (ACMs) sa voting center sa Zamboanga Sibugay.

Ito ay kasunod ng engkwentro na nangyari sa pagitan ng militar at hindi pa tukoy na armadong kalalakihan.

Sa kabila nito, nilinaw ni Dema-ala na hindi sangkot sa sagupaan ang pwersa ng pamahalaan at rumesponde lamang sila sa insidente. RNT/JGC