Home NATIONWIDE 1 patay sa sunog sa apartment sa QC

1 patay sa sunog sa apartment sa QC

MANILA, Philippines – NASAWI ang isang lalaki at marami ang nawalan ng bahay sa sunog na sumiklab sa dalawang palapag na apartment building sa Zambales Street, Brgy. San Martin de Porres, QC dakong alas 2:00 ng madaling araw nitong Miyerkules, Hunyo 25.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), mabilis na tinupok ng apoy ang itaas na palapag ng paupahang bahay dahilan upang ilagay sa first alarm ng BFP ang sunog.

Sinabi sa ulat na hindi bababa sa 13 fire truck at ilang fire volunteer group ang rumesponde sa insidente. Naideklara ng mga bumbero na kontrolado ang apoy pagkatapos ng halos 30 minuto.

Ayon sa isang babaeng nangungupahan, nagising siya sa makapal na usok at ilang segundo na lang para makatakas.

“Nu’ng tumayo ako, pagbukas ko ng pinto, bumungad ‘yung apoy sa mukha ko… Naalimpungatan na ako, tumakbo na ako palabas. May tumutulo nang apoy, parang styrofoam sa itaas ng kisame,” sabi pa nito na nabigla sa pangyayari.

Nabatid sa babae na nawala ang lahat ng kanyang ari-arian ngunit sinabi niyang nagpapasalamat siya na buhay siya, at tinawag itong kanyang “pangalawang buhay.

Ang isa pang lalaking nangungupahan, na nabigo rin na magligtas ng anumang ari-arian, ay nagtamo ng first-degree na paso sa kanyang balikat at braso.

Binawian naman ng buhay ang isang lalaking nangungupahan na nakulong sa kanyang silid sa ikalawang palapag.

“‘Yung ating biktima, natagpuan po sa ikalawang palapag doon. Ngayon po, inaalam pa natin ang pagkakakilanlan niya,” sabi ni Senior Fire Officer 4 SFO4 Rolando Valeña, arson investigator ng Quezon City Fire District.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog, ang kabuuang halaga ng pinsala ng sunog. Santi Celario