MANILA, Philippines – Swak sa selda ang 34-anyos na lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensiyadong baril sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Caloocan City Prosecutor’s Office ang suspek na si alyas “Ramon.”
Ayon kay Caloocan Police Acting chief P/Col. Joey Goforth, habang nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Cadena de Amor Police Sub-Station 11, sa Barangay 175, Camarin nang mamataan nila ang suspek na nakaupo sa eskinita at abala umano sa pagkalikot ng hawak na baril dakong alas-11:55 ng gabi.
Hindi umano napansin ng suspek ang paglapit sa kanya ng mga pulis kaya hindi na siya nakapalag nang biglang sunggaban ang niyang baril na isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.
Nang hanapan siya ng mga dokumento na magpapatunay ng pagkakaroon niya ng otoridad na mag may-ari ng baril ay walang naipakita ang suspek na dahilan upang arestuhin siya ng mga pulis.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Arnold Abad, Acting District Director ng Northern Police District (NPD) ang Caloocan Police sa kanilang mabilis at epektibong pagtugon para protektahan ang kaligtasan ng publiko. Merly Duero