MANILA, Philippines – Aabot sa 20 porsyento o isa sa limang pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger o hindi sinasadyang pagkagutom kahit isang beses mula Abril 23 hanggang 28, 2025, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Halos walang pagbabago ito mula noong kalagitnaan ng Abril ngunit mas mababa kumpara sa 27.2 porsyento noong Marso.
Pinakamataas ang gutom sa Mindanao na 26.3 porsyento, sinundan ng Metro Manila (20.3%), Visayas (19.7%), at Balance Luzon (17%).
Bahagyang tumaas ang moderate hunger o paminsang pagkagutom sa 16.4 porsyento, habang bahagyang bumaba ang severe hunger o madalas na pagkagutom sa 3.6 porsyento.
Saklaw ng survey ang 1,500 adultong Pilipino sa buong bansa, na may margin of error na ±3 hanggang ±6 porsyento depende sa rehiyon. RNT