MANILA, Philippines – Isa sa bawat pitong Pilipina ay nanganganib magkaroon ng Human Papillomavirus (HPV), isang virus na nagdudulot ng cervical cancer, ayon sa DEFEAT HPV Study ng Department of Science and Technology.
Sinuri ang 1,100 kababaihan sa Tondo, Maynila, at Naic, Cavite. Lumabas na 15.1% sa Tondo at 12.8% sa Naic ay positibo sa HPV. Halos kalahati ay may iba’t ibang uri ng virus, at 79% may persistent infection. May isang kaso na may anim na strain ng HPV.
Babala ni lead researcher Dr. Ourlad Tantengco, maaaring magdulot ng cervical cancer sa loob ng 5–10 taon ang matagal na high-risk HPV, lalo na ang uri 16, 18, at 52—na ngayon ang pinakakaraniwan sa bansa.
Mababa rin ang screening (37–40%) at HPV vaccination (3–4%). Hinimok ni Tantengco ang regular na pap smear, HPV DNA testing, pagbabakuna, at mas malawak na health education, at iginiit na “hindi ito death sentence” kung maagapan.Santi Celario