MANILA, Philippines- Sugatan ang isang indibidwal at isa ang nawawala sa panahon ng pananalasa ng bagyong Marce (international name: Yinxing).
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na ang sugatan at nawawalang katao ay mula sa Region 1 at ‘for validation.’
Sa situation report ng NDRRMC, sinabi nito na 21,273 pamilya o 65,610 katao ang apektado ng epekto ni Marce.
Sa nasabing bilang, 8,319 pamilya o 24,369 indibidwal ang nananatili sa 365 evacuation centers habang 3,810 pamilya o 12,498 katao naman ang nanunuluyan sa labas ng evacuation centers.
Ang mga apektadong pamilya at indibidwal ay mula sa Region 1 at 2 at Cordillera Administrative Region (CAR).
Ang malakas na pag-ulan na dala ni Marce ang dahilan ng tatlong landslides sa Region 2.
Tinatayang 41 road sections at 24 na tulay ang apektado ng bagyo. Sa naturang bilang, 11 lansangan ang maaari nang madaanan.
Samantala, 57 lungsod at munisipalidad ang nawalan ng power supply sa panahon ng pananalasa ni Marce.
Hanggang nitong Sabado, anim na lungsod at munisipalidad ang naibalik na ang suplay ng kuryente.
Naapektuhan din ang communication lines sa pitong lungsod at munisipalidad sa Region 1 at 2. Tanging isang lugar lamang ang naibalik ang communication lines ngayong araw ng Sabado, Nobyembre 9.
May kabuuang 273 bahay sa Region 1 at 2 at CAR ang napinsala. Sa nabanggit na bilang, anim ang totally damaged.
Samantala, sinabi ng NDRRMC na may 3,750 pamilya ang nangailangan ng tulong na umabot sa P3,687,932.95.
Hanggang nitong Sabado, 3,498 pamilya ang natulungan na sa Region 1, 2, at CAR.
Ang bagyong Marce ay lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR), araw ng Biyernes. Kris Jose