MANILA, Philippines- Ang paglabag sa mga procurement law ng mga kawani at opisyal ng gobyerno ay hindi kaagad mauuwi sa hatol sa paglabag ng RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa Korte Suprema, kailangang mapatunayan beyond reasonable doubt ang lahat ng elemento ng kasong graft at hindi lang ang mga pagkukulang sa procurement process.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Jose Midas P. Marquez, pinawalang-sala ng First Division ng Korte Suprema ang mga opisyal ng Davao City Water District (DCWD) na sina Arnold D. Navales, Rey C. Chavez, Rosindo J. Almonte, Alfonso E. Laid, at William V. Guillen sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019. Inakusahan sila ng hindi pagsasagawa ng competitive public bidding sa isang water supply project ng DCWD.
Para mapasailalim sa Section 3(e) ng RA 3019, ang paglabag sa mga batas sa procurement ay dapat ginawa “in bad faith, with manifest partiality or inexcusable negligence” na ikinasama ng isang partido kabilang ang gobyerno, o ang pagbibigay ng undue preference o unwarranted benefits sa isang pribadong partido.
Napag-alaman ng Korte na ang mga nasabing opisyal ay nagrekomenda lang sa DCWD Board of Directors na bigyan ng kontrata ang supplier. Sa huli, ang DCWD Board ang may awtoridad na aprubahan at igawad ang kontrata.
Dagdag pa ng Korte, walang katibayan na nagpapakita na ang nasabing opisyal ng DCWD ay naudyukan ng manifest partiality o bad faith kahit may iregularidad man sa procurement process.
Sa halip, sila ay gumamit ng isang negotiated contract sa paniniwalang ito ay pinahihintulutan bilang isang exceptional case dahil na din sa urgency ng procurement at kakulangan ng qualified bidders. Teresa Tavares