CEBU CITY- LAPNOS ang likod ng isang lalaki habang nasa 100 katao ang nawalan ng tahanan matapos lamunin ng apoy ang kanilang bahay na sumiklab kaninang madaling-araw, Oktubre 12 sa lungsod na ito.
Nilalapatan ngayon ng lunas sa ospital ang sugatan na si Arnel Ernani, 40-anyos, nagtamo ng mga paso sa likod at ibang parte ng katawan at residente ng Sitio Camansi, Brgy. Mambaling, ng naturang lungsod.
Ayon kay FO3 Fulbert Navarro, Cebu City Fire Investigator, bandang 3:00 AM nagsimula ang sunog sa bahay ni Lourdes Stella, na tinitirhan ng isang Steve Medida.
Dahil gawa lamang sa light materials ang kabahayan mabilis kumalat ang apoy hanggang sa tupukin ang nasa 15 kabahayan.
Umakyat sa ikalawang alarma ang sunog dakong 4:00 AM at tuluyan itong idineklara fire out bandang 5:17 ng umaga.
Pansamantala naman inilikas ang mga residenteng apektado ng sunog sa San Roque Parish Gym sa Mambaling.
Umabot naman sa P1.5 milyon halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy habang inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. Mary Anne Sapico