MANILA, Philippines – Nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Las Piñas City police Warrant & Subpoena Section (WSS) at ng Station Intelligence Section (SIS) ang tinaguriang Top 8 most wanted person (MWP) sa station level Biyernes ng gabi, Oktubre 11.
Kinilala ni Piñas City police chief PCol. Sandro Jay Tafalla ang nadakip na suspect na si alyas Kiem, 25.
Ayon kay Tafalla, isinagawa ng mga tauhan ng WSS at SIS ang operasyon na nagdulot ng pagkakadakip sa suspect dakong alas 6:30 ng gabi sa Barangay CAA, Las Piñas City.
Sinabi ni Tafalla na si alyas Kiem ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa ilalim ng Criminal Cases 24-0114 at 24-0116.
Naisagawa ang matagumpay na pag-aresto kay alyas Kiem sa bisa ng inisyung warrant of arrest noong Setyembre 17, 2024 ni Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Anne Beatrice Aguana Balmaceda ng Branch 200.
Sa ikinasang operasyon ay gumamit ang mga operatiba ng Alternative Recording Device (ARD) upang maidokumento ang pagsasagawa ng naturang operasyon.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Pinas City police ang suspect habang naghihintay ng commitment order mula sa korte na nag-uutos ng kanyang paglipat sa Las Pinas City jail. James I. Catapusan