MANILA, Philippines – NAKUMPISKA ng mga tauhan ng Manila Veterinary Inspection Board (VIB) ang nasa isang tonelada ng bocha o “hot meat” sa isinagawang operasyon sa isang bahay sa Tondo, Maynila, nitong nakaraang Sabado ng hapon.
Batay sa ulat ni Dr. Nick Santos, Director ng VIB, naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang suspek na si Donelo Gonzales sa kanyang tinutuluyang bahay sa Antipolo Ext. sa Tondo dakong alas-4:02 ng hapon na itinuturong nagde-deliver ng mga karne ng baboy na hindi na angkop na kainin ng tao.
Ayon kay Santos, batay sa direktiba ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na bantayan ang mga palengke at lugar na pinagdadalhan ng mga bochang karne upang matiyak na malinis at may tatak ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang mga pumapasok na karne sa Maynila, una nilang nasabat sa Barangay 148 ang ide-deliber na sanang isang tonelada ng bocha sa mga pampublikong pamilihan.
Sa inisyal na imbestigasyon, inginuso ng driver ng van si Gonzales na aniya ay nag-uutos lang sa kanila ng pagde-deliber ng mga karne kapalit ng kaukulang bayad.
Nang puntahan nina Dr. Santos, kasama ang mga pulis sa kanyang bahay, natuklasan na nadakip na rin kamakailan ang suspek dahjl sa pagde-deliver din ng mga karneng bocha.
Sinabi ni Dr. Santos na ipinasiya nilang ibaon sa compound ng VIB ang mga nakumpiskang karne dahil hindi na ito ligtas kainin maging ng mga hayop.
Mga kasong paglabag sa R.A 10536 o Mean Inspection Code at R.A. 10611 o Food Safety Act ang inihaing kaso ng mga tauhan ng VIB sa Manila City Prosecutor’s Office laban sa naarestong suspek. JAY Reyes