MANILA, Philippines – Hindi na kailangang magbayad ng buwis ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo sa kanyang mga natanggap na papremyo at reward, sinabi ng Bureau of Internal Revenue nitong Lunes, Agosto 26.
Sa pahayag, sinabi ng BIR na sa Section 32(B)(7)(d) ng National Internal Revenue Code (NIRC), ang lahat ng premyo at award na ibinigay sa mga atleta sa local at international sports tournaments at mga kompetisyon na ginanap sa Pilipinas o sa abroad at na-sanction ng kani-kanilang national sports association ay exempted sa income tax.
Sinasabi sa Section 32(B)(3) ng NIRC na, “the value of property acquired by gift, bequest, devise, or descent shall be excluded from gross income of the recipient and, therefore, exempt from income tax.”
Ang mga reward na ibinigay kay Yulo ng indibidwal o mga kompanya ay pasok sa kategoryang ito.
Sa Section 98 ng NIRC, malinaw din na ang mga donee o receiver ay hindi liable sa donor’s tax.
Makatatanggap si Yulo ng P20 million–P10 million bawat isang gintong medalya, sa ilalim ng Republic Act 10699, o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.
Nakatanggap din siya ng P20 milyong cash incentive mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at P14 milyon mula sa Kamara.
Nagbigay din ng P3 milyon ang Senado.
Tatanggap din si Yulo ng house and lot mula sa Philippine Olympic Committee at P32 milyong halaga ng fully-furnished three-bedroom condo unit mula sa Megaworld, at karagdagang P3 milyon mula sa kompanya.
Binigyan din si Yulo ng sasakyan at iba pang uri ng mga reward. RNT/JGC