MANILA, Philippines – Isa ang patay at 19 ang sugatan matapos magsalpukan ang isang pampasaherong bus at trailer truck sa STAR Tollway sa Sabang, Ibaan, Batangas nitong Huwebes ng umaga.
Ayon sa Batangas police, nangyari ang aksidente bandang 10:18 a.m. Papuntang Batangas City ang truck na may kargang steel beams nang pumutok ang gulong nito, dahilan para mawalan ng kontrol ang driver at kumabig sa kabilang lane. Dito na bumangga nang harapan ang ALPS bus na patungong Metro Manila.
Wasak ang harapang bahagi ng dalawang sasakyan. Isinugod sa Queen Mary Hospital si Solito Jimenez, ang driver ng bus, pero binawian siya ng buhay makalipas ang ilang oras.
Labing-siyam na pasahero, kabilang ang isang 76-anyos na Australian national, ang dinala sa Batangas Health Care Hospital at St. Camillus Hospital. Hawak na ng mga awtoridad ang driver ng truck.
Nagdulot ang insidente ng matinding trapiko sa STAR Tollway hanggang pasado 5 p.m. RNT