Home HOME BANNER STORY 1 utas sa saksakan ng 2 estudyante sa Taal, Batangas

1 utas sa saksakan ng 2 estudyante sa Taal, Batangas

290
0

TAAL, Batangas — Patay ang isang 18-anyos na estudyante matapos siyang saksakin ng kapwa estudyante sa labas ng isang paaralan sa Barangay Poblacion Zone 2, Taal, Batangas, nitong Miyerkules ng hapon.

Ayon kay Batangas Police Provincial Office spokesperson PLTCol. Aleli Buaquen, isinugod pa ang biktima sa Our Lady of Caysasay Hospital sa Lemery ngunit idineklara ring patay.

Ang biktima, residente ng Barangay Poblacion Zone 6, ay nagtamo ng tatlong saksak sa tiyan.

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong alas-3 ng hapon sa tapat ng Rizal College of Taal matapos magtalo ang biktima at suspek na nauwi sa suntukan.

Bumunot umano ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang biktima.

Inaresto ng rumespondeng pulis ang 18-anyos na suspek na residente ng Barangay Luntal.

Nilinaw ng mga awtoridad na bagama’t naganap ang insidente sa harap ng Rizal College of Taal, parehong estudyante ng Taal Senior High School ang biktima at suspek.

Naglabas din ng pahayag ang Rizal College of Taal na hindi nila estudyante ang mga sangkot.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa krimen. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here