MANILA, Philippines — Inihayag ni Senador Risa Hontiveros na kabilang sa mga napag-usapan sa isang nakaraang dinner kasama ang mga miyembro ng 2022 senatorial slate ni dating Bise Presidente at ngayo’y Mayor ng Naga City na si Leni Robredo ang eleksyon ng 2028, bagama’t walang tiyak na agenda ang pagtitipon.
Sinabi ni Hontiveros sa Kapihan sa Senado forum na ang nasabing pagtitipon ay dinner para ipagdiwang ang kaarawan ng dating kandidato sa Senado na si Alex Lacson at hindi isang pagpupulong na may agenda.
“Hindi po ‘yun meeting kaya wala pong agenda. ‘Yun po ay regular na dinner namin ng dating mga senatorial candidates noong 2022 tuwing may birthday,” ani Hontiveros.
Dagdag pa niya, malaya at malawak ang usapan sa mga dinners, kabilang na ang mga personal at work updates at mga usaping pambansa.
“Of course, kasama na po ‘yun sa mga personal at work updates ng bawat isa,” paliwanag niya.
Kabilang sa mga dumalo sina Hontiveros, Rep. Leila De Lima, Rep. Chel Diokno, dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV, dating Rep. Teddy Baguilat, dating House Deputy Speaker Erin Tañada, at mga abogado na sina Sonny Matula, Alex Lacson, Fhilip Sawali, at Dino de Leon. RNT