MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang construction worker nang mahuli sa akto na hinahalikan ang isang 10 taong gulang na batang babae sa isang bahay sa Sta. Mesa, Maynila nitong Linggo, Setyembre 7.
Kinilala ang suspek na si alyas Edwin, 50, residente ng Sta. Maria, Bulacan.
Sa ulat ng MPD-Police Station 8, nakaupo lamang ang biktima sa harap ng kanilang tindahan nang lapitan siya ng suspek at nagpakilalang kaibigan ito ng kanyang tatay.
Binigyan ng maliit na bag na naglalaman ng tinapay ang biktima hanggang sa nagkakwentuhan.
Makalipas ang ilang minuto, tumayo ang biktima para magsara na ng kanilang tindahan kung saan dito na hinawakan ng suspek at sinimulang halikan sa pisngi bago binigyan ng halagang P100.
Tiyempo naman na nakita ng kapitbahay ang pangyayari kaya agad nitong isinumbong sa magulang ng biktima dahilan para ireklamo ang suspek.
Agad na binitbit ng mga tauhan ng Barangay 602 ang suspek saka itinurn-over sa Sta. Mesa Police Station para harapin ang kasong acts of lasciviousness. Jocelyn Tabangcura-Domenden