MANILA, Philippines – Nasa 10 high-powered firearms ang nasamsam mula sa dalawang kahina-hinalang van na nakaparada malapit sa munisipyo ng Midsayap, Cotabato.
Sa report ng GMA News, nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang ilang 5.56 mm automatic rifles, .45-caliber pistols, magazine, at ammunition mula sa mga sasakyan.
Nakatanggap ng report ang pulisya ng mga kahina-hinalang sasakyan na umiikot sa bisinidad ng municipal hall.
“Nakakita sila ng medyo suspicious vehicles along the highway at medyo illegally parked so sinita po nila ito kung saan in plain view may nakita po sila na baril sa loob,” ayon kay PNP-HPG Director Police Brigadier General Joyce Patrick Sangalang.
Nasa kustodiya na ng PNP-HPG ang mga nakumpiskang armas.
“Anim po dito ay unregistered at ‘yung dalawa ay with expired licenses. Inaalam po natin kung ito ay may koneksyon sa naganap na eleksyon,” dagdag ni Sangalang.
Tatlong lalaki naman ang naaresto sa operasyon. RNT/JGC